Pagbili ng Legacy sa Danvil

Nakumpleto mo na rin bang bayaran ang iyong Family First plan? At umaasa ka rin na magagamit mo yong plan pag mag-aral na ang anak mo sa kolehiyo?

Ganyan din ako. Natapos kong bayaran ang aking Family First plan noong 2005. At dapat makukuha ko ang pera sa October 2010. Ang kinuha kong plan ay may maturity value na 150,000 pesos. Hindi ko alam kung itong amount na ito yong average plan noong 2005.

Ito lang ang kinuha kong plan. Sa paglakad ng mga taon, kahit marami silang promo na ginawa, at kahit ilang beses nila akong kinausap, hindi na ako kumuha ng iba pang plan.

Noong natanggap ko yong sulat mula sa Danvil na iba-buyout daw ng Legacy ang Danvil, nag-email ako agad na babawiin ko na yong lahat ng ibinayad ko sa kanila at dapat walang bawas. Tinawagan ako at ginawan ng appointment para makausap ko si Ms. Aurora Dino, ang assistant vice president at branch head ng Makati office ng Danvil.

Sa opisina ni Ms. Dino, inulit ko ang aking intensiyon na kunin ko na ang aking pera at sinabi ko rin ang aking mga argumento. Sinabi ko na di dapat gamitin yong probisyon na “termination value” sa kontrata kasi sila naman yong naunang umayaw na ipagpatuloy ang bisnis. Sinabi ko yong mga nangyari na sa ibang mga plans, katulad ng CAP at Platinum.

Ang mga argumento ni Miss Dino ay mga sumusunod:

  • Ang pag-abiso nila sa mga planholders tungkol sa Legacy-Danvil buyout ay tanda raw ng kanilang good   faith.
  • Si Miss Dino at ang kanyang staff ay pupunta rin ng Legacy. Hindi lang mga plans ang bibilhin, pati serbisiyo ng mga tao na dati nang nagpapalakad sa mga plans.
  • Ang Legacy raw ay stable na kumpanya, taliwas sa mga nababasang kontrobersiyal na pahayag sa mga diaryo o sa Internet. Ang Legacy raw ay inaprub ng MasterCard para isulong ang One Card debit and credit card. Pagkauwi ko sa bahay, hinanap ko sa Internet ang OneCard, pero konting inpormasyon lang nakuha ko. Parang hindi yata nag-click sa market ang OneCard, kasi parang wala akong naririnig o nababasa.
  • Inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Danvil-Legacy transaction.

Doon sa opisina ng Danvil noong araw na pumunta ako, wala namang mga planholders na nagra-rally o nagrereklamo. Ano kayang plano ng iba?

Hindi ko muna itinuloy yong intensiyon ko na bawiin ang pera ko. Kasi, una, yong termination value ay pagkaliit-liit. Lugi naman ako.  Pangalawa, gusto kong maniwala na may paraan pa sila na maalagaan ang mga plans.

Sa mga sumunod na araw, nakatanggap ako ng email mula kay Miss Dino na on hold muna ang Legacy-Danvil deal.

Pagkatapos ng isang buwan, may tumawag sa akin mula sa Saint Peter Memorial Plan. Nakipag-partner daw sila sa Danvil at andon daw sila sa Makati office ng Danvil. Andon pa raw ang Danvil.

Ikaw? Anong ginawa mo sa plan mo?  Binawi mo ba?  O nag-aantay ka rin katulad ko?

Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *